ABS-CBN News – Grupo idinaing ang dagdag-singil sa kuryente

Nagpunit ng mga electricity bill ang mga miyembro ng grupong Kuryente.org para iprotesta ang dagdag-singil sa kuryente ngayong Abril. ABS-CBN News 

 

Idinaing ngayong Martes ng grupo ng mga konsumer ang pagtaas ng singil ng kuryente sa bansa.

Bilang protesta, pinunit ng mga miyembro ng grupong Kuryente.org ang iba’t ibang electricity bill, kabilang ang sa Meralco at ibang probinsiya.

“Kaming maliit [na negosyante] dapat nakakatipid ng kuryente. Imbes na mapunta sa profit, napupunta lang sa bill,” sabi ni Rudyard Balmedilla, kinatawan ng mga negosyante sa grupo.

“‘Di na po talaga sapat ang kita sa daily wage para bayaran ang electricity,” sabi ni Nicka Asuncion, na breadwinner ng kaniyang pamilya.

Inihirit ng Kuryente.org sa mga kandidato ngayong halalan na aksyunan ang supply ng kuryente at pababain ang singil dito.

“Less than a month before the elections, uncertain pa rin kung may stable na supply ng kuryente. We are not here to endorse anyone, we just want to be the voice of the voiceless,” sabi ni Nic Satur Jr., national coordinator ng grupo.

Noong Lunes, inanunsiyo ng Meralco ang P0.54 kada kilowatthour dagdag-singil para sa April billing.

Higit P1 kada kilowatt hour dapat ang dagdag pero pinayagan ang kompanyang utay-utayin ito hanggang Hulyo.

Kinuwestiyon naman ng grupong Laban Konsyumer ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil basta-basta na lang umanong pinayagan ang malaking dagdag-singil ng Meralco gayong ang panawagan nila ay imbestigahan at i-audit muna ito.

Sa April bill, halimbawa, nasa P1.2 bilyon ang dinefer o ipinagpaliban muna, at ipapasa sa mga konsumer nang utay-utay hanggang Hulyo.

Ayon naman kay ERC Chairperson Agnes Devanadera: “Kami ay natutuwa dahil itong mga power plant owner… ay magsasakripisyo na ide-defer ang ibang charge.”

Pero kahit utay-utay, tiyak na may ipapatong sa mga susunod na buwanang bayarin.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top